Ito ay isang gawain sa asignaturang Filipino. Ang tekstong inyong mababasa ay pawang opinyon lamang.
Sa mga nagdaang panahon, mapapansin natin na laging may nilalaman ang mga dyaryo at balitang pantelebisyon ang napakaraming krimen na nangyari sa ating bansa tulad ng pagpatay, panggagahasa, pagbebenta ng droga, at marami pa. Pero, paano nga ba masosolusyonan ng ating gobyerno ang mga problema na may kinalaman dito? Sapat na nga ba na ipakulong sila ng habang buhay? Kaya ang tanong, dapat nga bang ibalik ang 'death penalty'?
Sa aking pananaw, sumasang-ayon ako na muling isabatas ang pagkakaroon ng 'death penalty' upang mabawasan na rin ang mga krimen sa ating bansa. Hindi man mawala ng tuluyan ang mga ito ay maaari itong mabawasan ng higit sa 10% dahil nakikita ko na maaaring matakot ang ibang mga tao na gumawa ng kahit anong bagay o hakbang na labag sa batas.
Halimbawa na lamang sa mga karatig nating bansa katulad ng China, Singapore at Indonesia na kung saan isinasabatas ang 'death penalty'. Mapapansin natin na hindi nila masyadong pinoproblema ang matitinding krimen sa loob ng kanilang bansa. Hindi katulad dito sa Pilipinas, kung saan pinagkakagastusan pa ng gobyerno ang pangangalaga sa mga masasamang kriminal sa loob ng kulungan. Maging ang pagpapatayo ng bago at mas malaking kulungan. Binibigyan din ng tinatawag na 'special treatment' ang mga mamamatay tao at ang mga nagbebenta ng droga. Tignan niyo na lamang ang mga 'Drug Lords' na nasa loob ng kulungan. Ano nga ba ang nangyayari sa kanila? Natigil ba ang mga ginagawa nila nang nasa labas pa sila? Hindi, 'di ba? Patuloy pa rin ang malawakang pagbebenta ng iligal na droga maging sa loob ng kulungan; kahit na nasa ilalim pa sila ng tinatawag na pinakamataas na pagseseguridad.
Kahit na isang Katoliko ang ating bansa at may mga batas na pinapahalagahan ang karapatang-pantao, maaari pa rin namang isabatas ang 'death penalty' ngunit dapat din na bigyan ito ng limitasyon. Limitasyon kung saan paparusahan lamang ang mga taong may seryosong ginawang masama katulad ng pagpatay sa sinasadyang paraan at iligal na pagbebenta ng droga sa loob ng bansa o ang pagpasok ng droga mula sa ibang bansa.
INUULIT KO, ITO AY ISANG GAWAIN LAMANG SA ASIGNATURANG FILIPINO. ANG TEKSTONG INYONG NABASA AY PANANAW KO LAMANG KUNG SAAN IPINAPAHAYAG KO LAMANG ANG AKING NAIS. SANA AY HUWAG NINYO BIGYAN NG MASAMA O MALISOSYONG PAG-IISIP PATUNGKOL DITO.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento